Isasara sa Lunes (Disyembre 7) sa trapiko ang isa pang U-turn slot sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa Bagong Barrio area sa Lungsod ng Kalookan para bigyang-daan ang EDSA Busway project ng Department of Transportation (DOTr).
Payo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na gumamit muna ng mga sumusunod na alternatibong mga ruta: magmula sa northbound patungong southbound, ang mga apektadong sasakyan ay maaaring dumaan sa Monumento Circle o sa mga manggagaling sa Quezon City naman na dumaan sa Balintawak Cloverleaf.
Nasa innermost lane ng EDSA ang Edsa Busway na eksklusibong linya para sa public utility buses (PUBs) na bumibiyahe sa national highway, magmula sa Monumento sa Caloocan patungong SM Mall of Asia sa Pasay City.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, patuloy ang ahensiya sa pakikipag- koordinasyon sa DOTr, Department of Public Works and Highways (DPWH) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maghanap pa ng mga paraan para sa mas mabilis na pag-galaw ng mga commuter at pribadong motorista sa kahabaan ng EDSA.
“The government’s goal of providing safe, reliable, and efficient travel for commuters along the country’s main thoroughfare will further continue in coordination with concerned agencies,” ani MMDA Chief.
Nagsimula noong Setyembre 2020 ang unti-unting pagsasara sa U-turn slots sa kahabaan ng EDSA.