PINAL nang pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Internet Transactions Act na layong bigyan ng proteksyon ang lahat ng mga transaksyon ng konsyumer at seller o mga negosyante sa online.
Sa botong 232 na pabor na mga kongresista at anim na tumutol, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7805 na target ding sugpuin ang panloloko o pagsasamantala sa online transactions.
Sakaling maisabatas, lilikhain ang Electronic Commerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpapatupad, magbabantay at magre-regulate ng business-to-business at business-to-consumer commercial transactions na isinasagawa sa pamamagitan ng internet.
Ang nasabing bureau ay may kapangyarihang mag-imbestiga at maghain ng kaso laban sa mga lalabag at tatanggap o tutugon sa reklamo ng mga konsyumer sa internet transactions.
Ang konsyumer na mapatutunayang lumabag sa batas ay pagmumultahin ng P50,000 habang ang seller ay pagbabayarin mula P500,000 hanggang P5 milyon o pagbawi ng kanilang lisensya.
Mula Enero hanggang Oktubre ng taong 2020 ay nakatanggap ng 1,500 na reklamo sa internet ang PNP at karamihan sa mga ito ay online scams, phishing, at credit card fraud.