Dating Presidential Adviser Michael Yang, ipinaaaresto ng Senado

IPINAAARESTO na ng Senate Blue Ribbon Committee ang negosyanteng Chinese at dating presidential adviser na si Michael Yang o Yang Hong Ming na iniuugnay sa kontrobersyal na kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ayon kay committee chairman Senador Richard Gordon, ipinako-contempt si Yang makaraang mabigo na tumugon sa dalawang subpoena o pagpapatawag ng mga senador para sumalang sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y overpricing na pagbili ng Department of Health ng medical supplies mula sa kumpanyang Pharmally.

Una umanong tinangkang isilbi ang subpoena kay Yang sa address ng kumpanya nitong Full Win Xiamen ngunit sinabi ng receptionist na wala ng kaugnayan ang negosyante sa kanila.

Ikalawang sinubok na isilbi ang subpoena sa bahay nito sa Forbes Park, Makati City ngunit tumanggi ang isang staff nito na tanggapin ang dokumento.

Mukhang hindi talaga susunod. Having said that, the motion for contempt has been said… and the next step is to submit it to the Senate President so he could sign the warrant of arrest to come over and represent himself in the next hearing,” ayon kay Gordon.

Maliban kay Yang, ipinako-contempt na rin ang limang mga opisyal ng Pharmally na kinabibilangan nina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Justine Garado, Lincoln Ong at Krizle Grace Mago.

Nakatakdang palagdaan kay Senate President Tito Sotto ang arrest warrant laban kay Yang upang maobliga itong humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon committee.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.