NABISTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at apat na katao ang nahuli nang salakayin ang ilang bodega na nakaimbak at nagre-repack ng mga imported na bigas para magmukhang coco pandan sa mas mahal na halaga, sa operasyon sa Bocaue, Bulacan, kahapon.
Kasama sa hinuli ang isang manager, dalawang kahera at isang inventory officer, na sasampahan ng mga reklamong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage habang tinutukoy pa ang may-ari ng naturang mga bodega.
Ang operasyon ay pinangunahan ni NBI Director Jimmy Santiago kasama ang kinatawan ng Department of Agriculture (DA) na nakakita sa mga nakaimbak na bigas sa bodega sa Golden City at nakita ang mga sako na pinag-alisan ng iba’t ibang variety ng imported na bigas at mga sako naman na may label na Coco Pandan na pinasasalinan.
Natuklasan rin ang isang makina ang gamit sa paghahalu-halo ng mga bigas bago irepack.
“Pinaghalo-halo nila ‘yung variety ng bigas tapos lalagyan ng konting pabango, pandan, ipa-pass on na nila as mamahaling bigas. Class A na bigas. Niloloko ang ating mamamayan,” saad ng opisyal.
“Meron from Vietnam, may from Pakistan, may from India. Nung chineck namin kagabi ‘yung kanilang makina, nandun naka-mount ‘yung iba ibang variety ng bigas. Ang pinakaresulta itong coco pandan na premium rice,” ayon kay Atty. Jeremy Lotoc, hepe ng NBI Special Task Force (STF).
Ang modus sa nasabing bodega ay palabasin na mga lokal na produkto ang mga ni-repack upang mas mahal na maibenta gayung lumang mga bigas na at puro alikabok ang mga pinagtanggalang sako.
Dalawa pang bodega na sinasabing Inter City ang ininspeksyon din at natuklasan napakaraming imbak na bigas na may nakalagay na petsang 2023 pa.

