Nasa dalawampu katao kabilang ang apat na buntis sa Obstetrics (OB) ward ng Bulacan Medical Center (BMC) ang nagpositibo sa coronavirus disease o Covid-19 kung kaya naman isinailalim sa lockdown ang naturang departamento sa nasabing ospital.
“Walang dapat ipag-alala, sinusunod namin ang mga protocol,” ani Dr. Hjordis Marushka B. Celis, direktor ng Bulacan Medical Center, matapos kumpirmahin nito na ang nasabing bilang na mga pasyente at mga bantay sa OB Ward ang nagpositibo sa virus.
Idinetalye ni Dr. Celis na isinasailalim sa swab testing ang mga buntis at ‘high risk’ patients upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, sa kasamaang palad apat sa mga ito ang nagpositibo noong Setyembre 11.
“Immediately nag-stop na ang admission noon, ni-lockdown na ang OB at NICU, we observed 352 individuals. Ito ay mga pasyente, babies, kasama ang mga bantay at pina-swab then inilipat ang iba sa BICC, ‘yung iba dinala sa mga treatment facility ng kani-kanilang LGUs. Lahat ng nag-negative, nai-coordinate na rin sa mga LGU para iku-quarantine, pwedeng sa facility o sa bahay, ang mahalaga, monitored,” pahayag ng direktor.
Ipinaliwanag din niya na dahil sa dami ng pasyente, malaki ang tiyansa na magkahawahan.
“The ideal capacity of the OB including the gyne, and isolation is 82 only, but we have 180 mothers there, imagine 3-4 patients sharing in one bed. Kasi kahit sabihin namin sa kanila na puno na at sa iba na lang magpunta, ayaw nila, ngayon ganito, ‘pag highly suspect, isolated agad, ‘pag walang symptoms, nakakapasok sa regular ward pero dahil required, ite-test kaya lang ‘di naman agad lalabas ang result, kaya pwede talagang makahawa,” ani Celis.
Idinagdag pa ng direktor na sa kasalukuyan ay nasa 63 pa ang mga pasyente, bantay at sanggol ang nananatili sa pasilidad habang hinihintay sunduin ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.
“Hopefully, in 2-3 days masundo na silang lahat para makapagsimula na kaming mag-disinfect and after noon, makapagbukas na ulet at makapagserbisyo sa mga Bulakenyo,” sabi ni Celis matapos linawin na bukas ang mismong BMC.
Bukod dito, sinagot din ni Celis ang mga alegasyon ng ilang netizens na pinapalitan ang resulta upang magpositibo sa virus para makakuha ng ayuda mula sa Philippine Health (PhilHealth) Insurance Corporation.
“Never ginawa ito. Ang tinitingnan namin ay ang pangangailangan talaga ng pasyente. Sobra naman ‘yung alegasyon, sa dami naming trabaho para lang sa PhilHealth gagawin ‘yan? Alam mo ang pasyente hindi nauubos, usually nandito pa ang mga high risk, pero ang mga healthcare worker, doctor, consultants ‘pag may exposure, quarantined din, nauubos, kinakapos tayo sa magdu-duty, tapos ‘yun pa ang iisipin namin, walang katotohanan,” giit ni Celis.
Idinetalye din niya na bukas din ang BMC para sa mga nais magpa-real-time reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing at maaari silang tumawag sa Bulacan Molecular Diagnostic Laboratory para sa appointment ng koleksyon sa 044-7910630 local 139 o cellphone number na 0912-1232432 o mag-e-mail sa [email protected]; o bumisita sa kanilang Facebook BMC- Bulacan Molecular Diagnostic Laboratory.
Nasa P3,800 ang bayad sa pasyenteng may PhilHealth habang P4,800 naman para sa mga wala.
Samantala, binigyang diin naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagsunod sa mga health protocol.
“Ito po ay parang tulong na natin sa isa’t isa. Sa panahong ito, iwasan na muna natin ang pakikipag-socialize, kapag napababa natin ang mga kaso sa atin, na-control, unti-unti makakabangon tayo. Lalo ngayon tag-ulan na, maglalabasan na ang iba pang sakit na sa simula parang COVID-19, kailangan talaga sagad ang pag-iingat. Hindi naman ito kayang solusyunan ng mag-isa, kailangan tulung-tulong, otherwise masasayang lang lahat ng efforts ng gobyerno, ng mga fronliner,” ani Fernando.
Sa pinakahuling tala ngayong araw, Setyembre 21, 2020, mayroon ng 4,389 na kumpirmadong kaso, 2,618 ang gumaling habang 90 naman ang namatay.