NASAGIP ng National Bureau of Investigation ang dalawang kababaihan na humingi ng tulong dahil sa pambubugaw umano sa kanila para makipagtalik sa ilang kostumer sa isang KTV bar sa Urdaneta, Pangasinan.
Base sa direktiba ni NBI Director Jaime Santiago, kaagad inaksyunan ng NBI-Dagupan District Office (NBI-DADO), kabilang ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD),iniligtas ang dalawang babaeng waitress sa 178 KTV Bar.
Nag-ugat ang operasyon sa idinulog ng isang non-profit organization hinggil sa hiling ng kaanak na nagpapatulong ang mga biktima na hawak ng sindikato na nagpapatakbo ng KTV Bar bilang front sa sexual trafficking sa North at Central Luzon.
Sa pagsisiyasat, ang mga biktima ay ni-recruit sa pamamagitan ng online bilang waitress, sa pangakong sweldo na P20,000 sa Mahogany KTV Bar sa Agoo, La Union, at hindi nila alam na sila ay ililipat sa ibang KTV Bar bilang entertainers. Ikinatakot nila ang banta na babarilin kung tatakas.
Inireklamo din nila ang pwersahang pagpapirma sa kanila ng isang kasunduan na nagsasaad na may malaki silang utang sa KTV Bar na hindi maaring umalis hangga’t hindi nababayaran, gayung wala naman silang utang.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa may-ari at operators ng KTV Bar.
Ayon kay Santiago patuloy pang tutuntunin kung saang KTV Bar dinala ang 12 pa umanong biktima na na nakasama ng dalawang nailigtas.

