SUMALANG na sa unang sea trial nito ang ikalawang 97-meter multi-role response vessel (MRRV) ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatawagin bilang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702).
Sa pangunguna ng Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd., naging ligtas at matagumpay ang naturang inisiyatibo na naglalayong suriin ang kahandaan ng naturang sasakyang-pandagat bago ito tuluyang lumayag pauwi ng Pilipinas sa susunod na buwan.
Tulad ng MRRV-9701, ang BRP Melchora Aquino MRRV-9702 ay mayroong maximum speed na hindi bababa sa 24 knots; endurance na di bababa sa 4,000 nautical miles; at kakayanang magsagawa ng pang-matagalang pagpapatrolya sa West Philippine Sea, Philippine Rise, at iba pang bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Noong ika-26 ng Pebrero 2022, ligtas na nakarating sa bansa ang MRRV-9701 na kikilalanin bilang BRP Teresa Magbanua sa oras na ma-komisyon sa serbisyo.
Sa suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, binili ang dalawang 97-meter MRRV mula sa bansang Japan para lalong palakasin ang PCG sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase II (MSCIP Phase 2) ng DOTr.