Bilang bahagi ng pag-alala sa ika-76 taong anibersaryo ng makasaysayang “Battle of Manila,” inihalintulad naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kabayanihang ginagawa ng mga frontline health workers ngayong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, tulad ng tropang Amerikano at Filipino noon na nakipaglaban sa tropa ng mga Hapon at nagbuwis ng kanilang buhay, maihahalintulad ang kabayanihan ito sa kabayanihan ng mga health worker ngayong may kinakaharap na suliranin.
“They are no different from the heroes of the past. They have done so much sacrifice for the sake of our country,” dagdag pa ng alkalde
Giit ni Domagogo, walang katumbas na pasasalamat ang kanilang maihahandog lalo na sa mga medical frontliners na nagbuwis ng kanilang buhay magampanan lamang ang kanilang tungkulin sa panahon ng pandemya.
“The City of Manila and every Batang Manileño will always be proud of you. We may be not be threatened by a war against nations, but the battle that we have at present is a battle for survival against a dreaded virus,” ani Domagoso.
Una nang nagsagawa ng “wreath-laying ceremony” sa pangunguna ni Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa White Cross, Fort Santiago sa Intramuros bilang pag-alala sa makasaysayang digmaan.
Kasama din nina Domagoso at Lacuna ang mga foreign envoys gayundin ang ilang opisyal ng Philippine Navy.
Matapos nito ay pinasinayaan din nina Domagoso sa Rodriguez Hall ng Manila City Hall ang mga “artifacts” na ipinahiram ng Philippine Navy sa pamahalaang lungsod na ginamit noong panahon ng digmaan upang maipakita sa publiko, partikular sa mga Manilenyo, ang mga ito bilang bahagi na din ng paggunita sa naganap na makasaysayang digmaan sa Maynila.