INIHAIN na rin ngayong araw ang ikatlong motion for reconsideration sa pagbasura ng Commission on Elections (Comelec) sa disqualification cases laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang ikatlong mosyon ay inihain ng grupo ni Bonifacio Ilagan na gumigiit na mabaligtad ng Comelec First Division ang desisyon nitong ibasura ang disqualification case at tuluyang idiskuwalipika si Marcos na kumandidato sa eleksyon 2022.
Sa kanilang mosyon, ipinunto ng mga petitioner na nagkamali ang Comelec na ituring na hindi perpetually disqualified sa pagtakbo sa ano mang posisyon sa gobyerno si Marcos sa kabila na convicted o nahatulan ito sa kasong hindi paghahain ng income tax return (ITR).
Nagkamali rin umano ang Comelec nang tukuyin na si Marcos ay hindi nahatulang mapiit ng mahigit labing-walong buwan sa krimen na kinasasangkutan ng “moral turpitude” at ang paniniwala ng mga Commissioner ng First Division na walang mali at hindi moral turpitude ang hindi paghahain ng ITR sa apat na magkakasunod na taon.
Una rito ay naihain na rin ng grupong Akbayan at ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) founding chairman Abubakar Mangelen ang kanilang motion for reconsideration.
Tiniyak na rin ng Comelec ang agarang pag-aksyon ng en banc sa mosyon ng mga petitioner.

