SANG-AYON ang sektor ng agrikultura sa ideyang pagdedeklara ng “agriculture state of calamity” o emergency nii Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang reaksyon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party List Representative Nicanor Briones hinggil sa naging pahayag ng Philippine Chamber of Agriculture and Food na bukas ang Pangulo sa pagdedeklara ng “agriculture state of emergency.”
Sa media forum sa Maynila, sinabi ni Briones na ang unang ginawa ng Pangulo bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) ay nagpatawag ng mga nasa sektor ng agrikultura na aniya ay magandang indikasyon na gusto niyang kunsultahin ang iba’t-ibang sektor ng agrikultura.
Naniniwala si Brionmes na gustong malaman lahat ng Pangulo kung ano ang kailangan ng bawat sektor sa ating bansa pagdating sa agrikultura.
Malinaw din aniya na kaya hinawakan ni Marcos ang DA ay batid niya at nakita niya ang mga problema ng sektor ng agrikultura at kakulangan ng pagkain sa bansa.
“Nakikita niya na ang seguridad ng ating bansa ay nakasasalay din sa pagkakaroon ng sapat ng pagkain at kitang-kita rin niya na kulang sa suplay ng pagkain ang bansa at nakikita niya sa kamahalan ng bilihin,” turan ni Briones.
Sa pagdedeklara ng state of calamity o emergency sa sektor ng agrikultura, sinabi pa ni Briones na importanteng masolusyunan kaagad ang mga problema ng iba’t-ibang sektor ng agrikultura.
Pangunahin aniyang kailangan ay pondo upang mabilisang maaksyunan ang pangangailangan tulad sa sektor ng pagbababoy para matigil ang African Swine Fever (ASF), bird flu para sa sektor ng magmamanok, at iba pang magsasaka tuwing may kalamidad na dapat maayudahan agad ng gobyerno kapag sila ay tinamaan ng bagyo, baha o peste sa mga tanim, fish kill, at iba pa na hindi inaasahang pangyayari.
Ayon kay Briones, ito ang kahalagahan kung maideklara ng bagong administrasyon ang state of emergency o calamity sa sektor ng agrikultura.
Dagdag pa niya na maaari ring magpagawa ng supplemental budget sa Kongreso para mapondohan ang dapat pondohan gayundin ang local government na maaaring gamitin ang kanilang mga pondo.
“Magset-aside din ng budget sa bawat bayan sa bawat probinsya ang ating mga local government unit, ibig sabihin malaking pondo agad ang maitutulong sa sektor ng agrikultura,” pahayag pa ni Briones.