Timbog matapos ipadakip ang isang stay-in houseboy ng kanyang mga amo ng tangayin umano nito ang mahigit P.5milyon cash na laman ng vault sa Muntinlupa City, araw ng Lunes.
Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek na si Jan Rey Amistoso, 24, binata, stay-in-houseboy, at tubong Barangay Cabugao, Altabas, Aklan.
Nakilala naman ng pulisya ang biktima na si Maria Liberty Joso, 53, may asawa at residente ng Block 1 Lot 18 Fuchsia Street, Camella 1, Barangay Putatan.
Base sa ulat ni Police Executive Master Sargent Jennifer Gloria ng Criminal Investigation Unit, alas 3:00 ng hapon ng matuklasan ni Joson ang pagnanakaw sa mga laman ng vault sa loob ng master bedroom.
Papasok sa silid ang biktima nang makita nito ang suspek na kinuha ang kanilang pera sa loob ng cash vault kaya dali-daling ipinaalam sa kanyang mister na si Ricardo Joso Jr. 53, na siyang tumawag naman ng tulong sa mga pulis.
Agad hinabol ni Ricardo ang kanilang houseboy pababa ng hagdan hanggang sa makorner nito at marekober ang ninakaw na pera na nagkakahalaga ng P100,000.
Ayon sa report hindi narekober mula sa suspek ang nawawala pang P444,000 cash mula sa vault ng pamilya Joson.

