NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang hepe ng Lapu-Lapu City Police na si Police Col. Arnel Banzon.
Ito ang kinumpirma ni Lapu-Lapu City Police Office (LLCPO) Deputy Director for Administration Lt. Col. Resty Santos kahapon, araw ng Martes, Pebrero 9, 2021.
Ayon kay Santos, nalaman lamang nila na nagpositibo na si Banzon makaraan ang isinagawang mandatory rapid test nito matapos na dumalo sa command conference sa Police Reginal Office-7 (Central Visayas) noong Pebrero 4, 2021.
Kaugnay nito ay tinatayang nasa 10-police personnel ng Lapu-Lapu City Police na tinaguriang ‘close-contact’ ni Banzon ang isinailalim na sa home-quarantine procedure habang inaantay ang swab test sa kanila.
Bukod pa rito, sinabi pa ni Santos na nasa 13-iba pang LCPO personnel ang kasalukuyang inilagay sa “isolation” facility sa Lapu-Lapu City College matapos silang magpositibo sa virus.
Si Santos ay ang kasalukuyang officer-in-charge ng LCPO habang si Banzon, na isang asymptomatic ay sumasailalim sa quarantine sa City Resource and Management Center (Cremdec) sa Barangay Taptap, Cebu City.