MAGTATAKDA na rin ng Suggested Retail Price o SRP ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) para sa mga imported na karneng baboy at manok.
Ito ang ipinahayag mismo ni DTI Secretary Ramon Lopez matapos ang isinagawang Joint Monitoring and Inspection sa isang pamilihan sa Quezon City kasama sina DA Secretary William Dar at MMDA Chairman Benhur Abalos.
Ayon kay Lopez, isinasapinal na nila ang SRP pero kanilang sisikapin na mas pababain ito sa P270 hanggang 300 na price cap sa sariwang kilo ng baboy at P160 sa kilo ng manok.
Paliwanag pa ni Lopez, kanilang pinag-uusapin din nila ang taripa na ipapataw nang sa gayon ay madaling makapagpasok ng produkto.
Inaasahan naman na kapag nagawa ito ay kahit papaano ay matutulungang mag-normalize ang presyuhan ng mga karne sa merkado dahil madadagdagan ang suplay.
Kuntento naman aniya sila sa isinagawang inspeksyon sa price freeze dahil nakasusunod ang pamilihan sa price ceiling.
Bukod sa baboy at manok, iimbestigahan din ng DTI at DA ang biglaang pagtaas ng presyo sa isdang “galunggong” o GG.
Aalamin na rin ng DA ang tila pagsabay na rin ng galunggong sa presyuhan ng karne ng baboy partikular sa supermarket kung saan pumapalo sa higit P300 kada kilo ang presyo ng galunggong sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Hindi malaman ng DA kung bakit nagmahal ng husto ang galunggong lalo na sa mga supermarket at mga mall kumpara nitong huling buwan ay nagkakahalaga lamang ito ng P180 kada kilo.