UPANG mas patibayin ang health care system sa bayan ng Subic sa paglaban kontra pandemya ay itataguyod ng local government unit (LGU) ang isang makabagyong ospital na nagkakahalaga ng P100 milyon.
Ayon kay Subic, Zambales Mayor Jon Khonghun, ang bagong Subic General Hospital (SGH) ay isang kolaborasyon sa pagitan ng LGU, Provincial Government at ng Department of Health (DOH).
Ang SGH ay may lawak na 2,400 square meter floor area, may ancillary area, emergency department at service area at kapag nabuo na ay magiging 2-storey building na may 100-bed capacity at apat na treatment area.
Nasa kabuuang P100million ang allotted budget ng SGH kung saan ang P60million ay manggagaling sa provincial at local government at ang natitirang P40million ay magmumula naman sa pondo ng DOH.
Sinabi pa ni Khonghun na matagal ng plano ang naturang proyekto at naging katotohanan para sa mamamayan ng Subic para mapa buti ang health care services sa kanilang lugar lalo pat panahon ng pandemya.
Ang lupa na pagtatayuan ng SGH ay sa Barangay Asinan, na donasyon ng Fiesta Community Inc., sa pamamagitan ng kanilang pangulo na si Willy Tan.
Ikinagalak naman ni Zambales Vice-Governor Jay Khonghun ang pagsisikap ng kasalukuyang liderato ng lokal na pamahalaan na maitaguyod ang SGH para sa kanilang mamamayan at maging sa kalapit-bayan nito.
Bukod kina Mayor Khonghun at Vice-Governor Khonghun ay kabilang din sa mga dumalo sa groundbreaking ceremony sina Governor Hermogenes Ebdane Jr., DOH Regional Director Dr. Corazon Flores, DOH Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, at Fiesta Community, Inc. official Ryan Tan.

