Hamaka Festival sa Taytay, tuloy pero online muna

Share this information:

TAYTAY, Rizal — Tuloy na tuloy na ang taunang pagdiriwang ng Hamaka Festival sa bayang tinaguriang “Garments Capital of the Philippines.”

Sa isang pahayag, sinabi ni Taytay Mayor Joric Gacula na napagpasiyahan ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor sa kanilang bayan na ituloy ang taunang pistang nagbibigay pagkilala sa mga manggagawang nasa likod ng pag-unlad ng kanilang bayan.

Gayunpaman, hindi tulad ng mga nakaraang kapistahan ang Hamaka Festival 2021 ay idaraos “online” bilang bahagi ng kanilang pagsusulong sa industriyang kinakatawan ng bayan – ang garments industry.

“Nalalapit na po ang Hamaka Festival sa ating bayan at kasama ang buong Pamahalaang Bayan ng Taytay, isinasaayos na natin ang mga plano upang maipagpatuloy ang ating selebrasyon at napagpasyahan na gaganapin natin ito online,” lahad ng alkalde sa kanyang Facebook post.

Paliwanag pa ni Gacula, sentro ng kanilang online activities sa kapistahang ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Pebrero, ay ang naging kontribusyon ng kanilang bayan sa gitna ng pandemya lalo pa’t ang kanilang garments industry sa ngayon ay hindi na limitado sa paggawa at pagbebenta ng mga kalidad subalit murang kasuotan – kundi maging sa paggawa ng mga fashionable facemasks at personal protective equipment.

 “Higit na kailangan ngayon ay ang pag-agapay ng pamahalaang bayan sa industriyang nagtataguyod sa kabuhayan ng marami sa mga residente namin. Patuloy na susuportahan ng pamunuan ng bayan ng Taytay ang mga manggagawa sa industriyang (siyang) dahilan kung bakit ang Taytay ngayon ay kinikilalang Garments Capital of the Philippines.”

Ang taunang Hamaka Festival ng Taytay ay pagkilala sa mga tulong ng industriya sa likod ng kaunlaran ng bayan. Ang Hamaka ay halaw sa mga salitang Hamba {na kumakatawan sa woodworks industry}, Makina {kumakatawan naman sa garments industry} at Kabuhayan mula sa mga naturang industriya.

.Nagsimula ang selebrasyon ng Hamaka Festival 20 taon na ang nakalilipas. Taong 2000 nang mapagpasiyahan ng pamunuan ng lokal na pamahalaan at ng Sangguniang Bayan na ipagpasalamat taun-taon ang progresong tinatamasa ng Taytay sa paraang ang bawat residente ay masidhing hinihikayat na makibahagi.

Bago pa man dumating ang pandemya, bahagi ng taunang pandemya ang mga fashion show kung saan ibinabandera ang mga primera-klaseng kasuotang Pinoy at isang magarbong handaan sa kahabaan ng JP Rizal Street sa kabayanan, kung saan ang lahat ay nakikibahagi sa kainan kasama ang mga local official. Tampok sa kanilang salu-salo ay ang “adobong matanda,” isang native dish ng bayan.

Sa kabila ng pandemya, naging matatag ang garments industry sa kanilang bayan. Isa ang Taytay sa mga pangunahing pinagkukunan ng mga personal protective equipment para sa mga medical frontliners sa buong bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

"Zero obstruction" sa mga "Mabuhay" lanes sa Maynila

Wed Feb 10 , 2021
Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng896 barangay officials na panatilihing “zero obstruction” ang mga itinalagang Mabuhay Lanes sa lungsod ng Maynila at panatilihin ang mga ito na “non-negotiable.” Sa memorandum ni Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romeo Bagay, ipinag-utos ng alkalde na  mahigpit nilang ipatupad […]

Follow Us

%d bloggers like this: