General Trias, Cavite chief of police, sibak dahil sa pagkamatay ng curfew violator

SINIBAK na sa puwesto ang hepe ng pulisya sa General Trias City sa Cavite kasunod ng pagkamatay ng isang lalaking labis umanong pinarusahan dahil sa paglabag nito sa curfew.

Hindi kinagat ng Philippine National Police (PNP) ang pagtanggi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero na isinalang nila sa physical exercise bilang parusa ang mga quarantine violator.

Dalawa umano sa lumabag sa curfew ang nagsumite ng kanilang salaysay na knee bender exercise ang pinagawa sa kanila bilang parusa.

Cavite PPO has relieved the COP of Gen Trias after finding out that 2 of the quarantine violators executed sworn affidavits that they indeed were made to do physical exercises (knee bender) by two GT policemen earlier relieved pending the investigation,” ayon sa PNP.

Nabatid din kay PNP spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana na si Solero at ang dalawa pang nasasangkot na pulis ay isinailalim sa pagmomonitor ni Cavite Police provincial director Police Colonel Marlon Santos.

Tinukoy ni Usana ang dalawang police personnel na nag-obliga sa pitong quarantine violators na magsagawa ng physical exercises na sina Police Corporal Jerome Vibar at Police Corporal Kenneth Mercene.

Sinabi pa ni Usana na patuloy nang sinisiyasat ng Cavite Provincial Police Office ang posibilidad na isa sa mga dahilan ng pagkamatay ni Darren Peñaredondo ay ang ehersisyong pinagawa rito sa kabila na mayroon itong sakit sa puso.

This is to also assure that the PNP does not tolerate any act that is inimical to the best interest of our people, particularly the aggrieved parties in the Peñaredondo case,” ayon pa kay Usana.

Gayunman, sinabi ni Usana na hindi masama ang pisikal na ehersisyo ngunit mapanganib ito kung sosobra lalo na sa taong mayroong medical history.

Tatlong araw matapos na maaresto dahil sa paglabag sa curfew at magsagawa umano ng pumping exercise ay nagsimulang magkaroon ng seizures at isinugod sa ospital si Peñaredondo hanggang sa masawi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.