ARESTADO ang food delivery rider ng isang kilalang food delivery company matapos mahulihan umano ng shabu ang rider na dapat sanang idedeliber nito kaninang madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Eduardo De Los Santos, 48 anyos, na isa rin umanong embalsamador.
Ayon kay PLt. Col. John Guiagui, aabot sa dalawang gramo ng shabu na may street value na P13,000 ang idedeliber sana ng suspek sa isa nitong kliyente na naghihintay sa kanya sa may Oroquieta St. sa kanto ng Yuseco St. nang masita ng mga nagpapatrulyang pulis pasado alas 12 ng.madaling araw.
Ayon kay Lt. Col. Guiagui, dati nang sumuko ang suspek nang magsimula ang kampanya laban sa ilegal na droga matapos ang Operation Tokhang pero ngayon ay bumalik na naman sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.
Sasampahan ng kasong paglabag sa.RA 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Manila Prosecutors Office ang suspek.