Ex-NBI chief, bagong pinuno ng Philhealth

Itinalaga bilang pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Dante Gierran kapalit ng nagbitiw na si Ricardo Morales.

Kagabi nang makatanggap ng tawag mismo si Gierran mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatalaga sa kanya bilang bagong Presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng ahensya.

Sinabi ni Gierran na ang pagkakatalaga sa kanya sa Philhealth ay isang hamon sa paglaban sa malawakang korapsyon at inaming dahil hindi magiging madali ang responsibilidad.

“Hindi naman ganun kadali. The good thing with this, there are five units in NBI investigating right now. These units, these people used to be under me. I know them,” ani Gierran.

“Because I do not know PhilHealth, sabi ng iba if you’re assigned in PhilHealth, it is as if you are being thrown into a snake pit. Ang sabi, tutuklawin ka ng ahas  doon,” dagdag pa nito.

Ayon kay Gierran, uumpisahan niya sa familiarization ang mga tao sa Philhealth na kanyang makakatrabaho para pangunahan ang government-owned and controlled corporation (GOCC).

“Ang Presidente mismo parang nagmamakaawa na tanggapin mo ito. Tulungan mo ako. Ang natira na two years na lang sa akin ay gagawin ko ito na para labanan ang kurapsyon,” pahayag ni Gierran.

Ipinaliwanag ni Gierran na hindi na siya nakatanggi sa kanyang appointment dahil mismong ang Pangulo ang siyang nagbigay sa posisyon.

“This is my PhilHealth. This is the PhilHealth of my children. This is the PhilHealth of my relatives. This is the PhilHealth of the Filipino people,” pahayag pa ni Gierran.

Kaugnay nito, ipinapatanggal na rin ni Pangulong Duterte kay Gierran ang lahat ng Regional Vice Presidents ng Philhealth sa iba’t-ibang tanggapan sa buong bansa upang bigyang-daan ang isasagawang malawakang reshuffle.

Bukod sa paglaban ng korapsyon sa ahensya ay nais din ni Gierran na alamin kung magkano na lamang ang kabuuang pera na natira sa Philheath sa gitna ng pinangangambahan na mababangkarote ito.

“Alamin natin kung magkano pa ang perang natira sa PhilHealth. I can do that because I am not only a lawyer, I am also an accountant. Tignan natin kung magkano pa ang pera,” saad ni Gierran.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.