ISANG election officer at asawa nito ang nasawi sa pananambang sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao Del Norte.
Dahil sa naganap na pananambang at pagkasawi ng mga biktima, idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na isasailalim ang nasabing lugar sa Comelec control.
Kinumpirma naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang pagkamatay ng kanilang Election Officer sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Garcia, irerekomenda niya sa Comelec en banc na ipasailalim sa Comelec control ang nasabing bayan dahil sa usapin ng seguridad.
Giit ni Garcia, hindi na sila papayag na masundan pa ang nasabing karahasan.
Sa ngayon ay wala pang nakikitang motibo ang poll body sa pagpaslang at ang usapin ay ipinauubaya na sa pulisya at militar at hinihintay na lamang nila ang report ng mga ito ngayong araw.
Nauna nang nasawi sa insidente ang asawa ni Atty. Maceda Abo, Election Officer ng Datu Odin Sinsuat matapos silang paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang mga salarin habang sakay ng SUV sa Cotabato-Shariff Aguak Road, Brgy Makir, Datu Odin Sinsuat
Ikinalungkot naman ni Garcia ang nangyari lalo pa’t ika-apat na insidente na ito ng pag-atake sa mga lokal na opisyal ng Comelec kung saan ang nakaligtas lamang ay ang Provincial Election Supervisor ng Sulu.

