Hiniling ni Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo sa Commission on Elections (COMELEC) na ikonsidera ang pagpapaliban muna sa halalan sa taong 2022.
Sa budget hearing sa Kamara, iginiit ni Arroyo na tiyak na may panganib na lumaganap ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa araw na isasagawa ang eleksyon.
“I’ve been doing my share of reading about this pandemic and it seems that, assuming for the sake of argument that nothing goes wrong, the earliest that the vaccine will be available in our country for everybody, maybe September or October next year,” ani Arroyo.
“The thought that we will postpone the elections, has that ever triggered in your mind?” tanong ng kongresista.
Bukod dito, binigyang diin pa ng kongresista na kahit anong gawing paghahanda ng COMELEC ay tiyak na marami ang hindi magpaparehistro sa halalan at marami ang hindi boboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa takot na magkasakit ng COVID-19.
Pero sinabi naman ni COMELEC Chairman Sheriff Abas na hindi nila maaaring ipagpaliban ang halalan dahil nasa constitutional mandate nila ang isagawa ang eleksyon.
“Hindi po talaga. Because alam naman natin that this is a constitutional mandate at fixed yung nilagay,” pahayag ni Abas.
Inirekomenda naman ni Arroyo kay Abas na sila mismo sa COMELEC ang magtulak sa pagpapaliban ng halalan dahil kung silang mga mambabatas ay posibleng hindi ito tanggapin ng taumbayan at isipin na nais lamang nilang i-extend ang kanilang termino.
Magkagayunman, sinagot ni Abas na mabigat na usapin ang election postponement at wala sa posisyon ng COMELEC ang hakbang na iyan kundi nasa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa kabilang banda, handa naman ang COMELEC na pag-aralan ang rekomendasyon ng kongresista kung saan gagawing batayan dito ang development sa kalusugan at bakuna sa COVID-19.
2 hanggang 3 araw na eleksyon
Bilang pagkonsidera sa banta pa rin ng COVID-19 hanggang sa taong 2022, pinag-aaralan ng Comelec ang posibilidad na gawing dalawa hanggang tatlong araw ang halalan sa halip na isang araw lang.
“Insofar as Election Day, we’re looking at the idea of holding the elections not just in one day but for two days. So para ma-regulate natin yung mga boboto. Some precincts will vote on the first day, some precincts will vote on the second day,” ayon kay Comelec executive director Bartolome Sinocruz.
“We are assuming that the COVID-19, although we are optimistic na by the time na 2022, may vaccine na, we’re assuming na baka hindi rin mangyari yun so yung mga preparasyon namin will include anti-COVID measures,” dagdag nito.