Ehemplo ng Nakatatanda

Share this information:

SA mata ng mga nakababata, ang mali ay nagiging tama kapag nakikitang ginagawa ng mas matanda. Ito mismo ang kuwento ng isang batang pulitikong tila nais pang kopyahin ang estilo ng bruskong Pangulo.

Sa di kalayuang bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, may isang kapitang gaya-gaya sa asta ng Pangulo. Nang balewalain ng Pangulo ang inilabas na pagsusuri ng Commission on Audit (COA), ganun din ang ginawa ni Kapitan Allan de Leon ng Barangay Dolores.

Sa katunayan, sa nakalipas na maraming taon, ipinagkibit-balikat lang ng tigasing kapitan ang mga direktiba ng COA kaugnay ng nasipat na iregularidad sa pondo ng isa sa pinakamayamang barangay sa Calabarzon region.

Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa COA, nagmamatigas si Kap sa direktibang pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng umano’y mga maanomalyang transaksyon ng nasabing opisyal at kasapakat na ingat yamang kinilala bilang isang Olivia Adriatico.

Taong 2014 pa nang ilabas ng COA ang resulta ng kanilang pagsusuri sa estado ng pananalapi ng nasabing barangay, at nasundan pa umano ng mas marami pang bulilyasong naispatan ng COA sa kanilang taunang audit report.

Hindi na bago ang bulilyaso sa gobyerno. Iba si de Leon, katangi-tangi. Kung totoo ang bawat titik ng mga dokumento mula sa COA, naging mistulang ATM ang kaban ng pamayanan. Kaya ang resulta, ubos hanggang barya.

Taong 2020 nang suspindehin ng COA ang kanilang pagsusuri sa Barangay Dolores dahil sa umano’y pagmamatigas ni de Leon na magsumite ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na walang anomalya sa mga transaksyong pinasok nito mula pa 2014.

Kaya ang desisyon ng COA, i-rekomenda sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na suspindihin na lamang si de Leon – bagay na di naman tinugon ng kagawarang tila abala sa ibang bagay.

Hindi biro ang nawawalang pondo ng gobyerno, may taong mahigit P6 na milyon ang pilit hinahagilap ng COA. Ipagpalagay na lang nating P6 milyon kada taon ang hindi maipaliwanag kung saan napunta, lumalabas na P48 milyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno – P2 milyon na lang, pasok na sa plunder, isang kasong “no bail” batay sa umiiral na Revised Penal Code.

Kaya naman nagpasya ang COA — itigil na lang ang pag-o-audit. Sabi nila, hindi daw nila magawang mag-audit dahil wala naman silang susuriin.

Sa ipinamamalas na tikas ni de Leon, pihadong idol niya si Pangulong Rodrigo Duterte na sa kagustuhang pagtakpan ang mga bulilyaso ng mga taong itinalaga, sukdulan manduhan ang COA – aniya, tantanan na! O di naman kaya, nasa isip niyang tamang deadmahin ang COA sa nakitang anomalya sa kanyang nasasakupan.

Pero teka. Ano nga ba ang buod ng mga ibinabatong paratang kay de Leon? Maliit na bagay lang naman — mga kwestiyonableng disbursement ng barangay, bale ni Kap, petty cash, mga reimbursement, maging ang donasyong umano’y pinababayaran sa barangay sa gitna ng pandemya.

Ang nakakalungkot, kung nagagawang lustayin ng pondo ng isang barangay, paano pa kaya kung mas malaki ang kanyang nasasakupan? 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Utah wins over Houston in historic Filipino Heritage Night in NBA

Fri Oct 29 , 2021
The Utah Jazz detonated the Houston Rockets during the Filipino Heritage Night in the NBA today. The Jazz won 122 – 91 and was led by Fil-Am and current 6th Man Player of the Year Jordan Clarkson with 19 points, 6 rebounds and 3 assists. The Rockets was carried by […]
%d bloggers like this: