Duque, Morales pinakakasuhan dahil sa mga katiwalian sa Philhealth

INAPRUBAHAN na ng joint committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability ang committee report nito patungkol sa mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Kabilang sa mga inirekomenda ng joint panel na makasuhan ay sina Health Secretary Francisco Duque III at dating Philhealth President and CEO Ricardo Morales.

Mga kasong graft at technical malversation ang nais ng dalawang komite na maihain laban kina Morales, PhilHealth Executive Vice President Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Israel Pargas, Renato Limsiaco, dating SVP Rodolfo del Rosario Jr., at Senior Manager Rogelio Pocallan Jr.

Pinakakasuhan din dahil sa isyu ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM si Duque at sina PhilHealth board members Labor Secretary Silvestre Bello III, Budget Secretary Wendel Avisado, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, at Finance Secretary Carlos Dominguez III.

Pero hindi pa malinaw kung mahaharap din ang Board members ng katulad na mga kasong kriminal matapos na ideklara ni House public accounts chair Mike Defensor na maaaring maghain ng magkakahiwalay na reklamo laban sa mga miyembro ng Executive Committee at ng Board.

Una rito ay nagdebate ang mga kongresista at pinagbotohan kung dapat isama sa pananagutin ang mga miyembro ng Philhealth Board kasunod ng mosyon ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado na iabswelto ang Board Members sa ano mang pananagutan.

Maliban sa kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o ang sistema ng cash advances sa mga medical facility, inungkat din ng joint panel ang iregularidad sa Information Technology (IT) system at ang case rate system.
May mga pahabol pang pag-amyenda ang mga kongresista na aayusin muna bago isalang sa pag-adopt ng plenaryo sa pagbabalik sesyon ng Kongreso.

Kasama rin sa rekomendasyon ng komite ang pagpapatibay ng tatlong panukalang batas na layong ireporma ang Philhealth.

Kabilang dyan ang isinusulong na PhilHealth Crisis Act of 2020 na layong mabigyan ng emergency powers ang Presidente na may bisang isang taon upang magpatupad ng drastikong mga hakbang ireporma ang state insurer.

Nakatakdang isumite ang committee report sa Department of Justice upang kanilang mapag-aralan at masampahan ng reklamo ang mga opisyal na dawit umano sa mga katiwalian sa Philhealth.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.