Drive-thru 24/7 COVID vaccination center sa Maynila, tuluyan nang binuwag

TINANGGAL na ng tuluyan ang 24/7 drive-thru COVID-19 vaccination at swab testing center na matatagpuan sa sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila.

Ang pagbabaklas sa istruktura ay pinangunahan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at ang lahat ng mga ginamit na bakal, bollards at barriers ay hinakot na kaninang umaga.

Ang drive-thru vaccination center na ito ay itinayo noong Hulyo 2021 upang mapalakas pa ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa lungsod ng Maynila.

Noong Enero 2022 naman ay inilaan ito para sa pagtuturok ng booster shots.

Ayon naman sa Manila Public Information Office, aabot sa 87,844 na mga indibidwal ang nabakunahan ng booster shots sa naturang COVID-19 vaccination center, o katumbas ng nasa 43,165 na mga 4-wheel na sasakyan hanggang sa matapos ang operasyon kahapon.

Nagpasalamat naman si Manila DRRMO Dir. Arnel Angeles sa mga nurse, medical personnel, mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau at iba pa na magkakatuwang sa operasyon ng naturang drive-thru vaccination site, gayundin sa lahat ng mga Pilipino na pumila at tumangkilik dito at tumalima sa panawagan ng pamahalaan na magpabakuna laban sa COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.