IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang disqualification case laban kay presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Ted Te, abogado ng mga petitioners, at maging ni Comelec spokespersonJames Jimenez.
Sa isang resolusyon, sinabi ng dibisyon na “not false” ang mga representasyon ni Marcos sa kanyang certificate of candidacy, na kinukuwestiyon ng mga petitioner.
“Consequently, the representations of Respondent Marcos Jr. in his certificate of candidacy that he is eligible to be elected to the office of the President of the Philippines and that he has not been found liable for an offense which carries with it the accessory penalty of perpetual disqualification from holding public office are not false,” sabi ng dibisyon.
“Thus, there is no legal justification to deny due course to or cancel the certificate of candidacy of Respondent Marcos Jr.,” dagdag pa ng Comelec.
Ayon kay Te, maghahain sila ng motion for reconsideration at aapela sa Comelec en banc. Hihiling sila ng pagsasaalang-alang sa Commission en banc sa loob ng limang araw na itinatadhana ng mga patakaran.
Nangatuwiran ang mga petitioner na ang tax conviction ni Marcos sa buwis noong 1990 ay ang siyang nag-disqualify sa kanya para tumakbo sa public office.
Samantala, ayon kay Jimenez, may lima pa na nakabinbing mga kaso ng diskwalipikasyon laban kay Marcos.
Hindi rin umano makakaapekto ang desisyon ng Second Division sa mga nakabinbin na kaso sa ibang desisyon dahil may kanya-kanyang desisyon ang bawat division.
Paliwanag pa ni Jimenez, kung hindi pa denied with finality ang disqualification case ay kasama pa rin sa iimprentang balota ang pangalan ng dating senador.
Subalit kung madidiskwalipika ito bago ang halalan sa Mayo 9, mananatili pa rin ang kanyang pangalan sa balota at ang boto na makukuha nito ay ituturing na stray votes.
Maaari din umano na mag-apply ang rules on substitution sa kaso ni Marcos kung sakaling madiskwalipika ito bago ang halalan, kung saan maaari siyang palitan ng kahit sino basta ka-apelyido niya at hindi kailangan na maging kapamilya.
Sa isang banda, sakaling manalo naman si Marcos subalit madidiskwalipika, ang mananalong bise presidente ang ipoproklamang presidente at hindi ang second placer.
“If that will be the case, nanalo siya, valid ang election, nadisqualify lang siya, therefore the law on succession will apply and the winning Vice President will succeed,” paliwanag pa ni Jimenez.
Ang mga petisyon ay inihain nina Fr. Christian Buenafe, co-chairperson of Task Force Detainees; Fides Lim, board chair ng Kapatid-Families and Friends of Political Prisoners; Ma. Edeliza Hernandez, executive director ng Medical Action Group, Celia Lagman Sevilla, secretary general ng Families of Victims of Involuntary Disappearance; Roland Vibal Philippine Alliance of Human Rights Advocates, at si Josephine Lascano, executive director ng Balay Rehabilitation Center.
(May kasamang ulat mula kay Joyce Fernan)
