AYAW ng Department of Transportation (DOTr) na magpatupad ng pagtataas ng singil sa pasahe bagama’t sumisipa ang halaga ng produktong petrolyo.
Tinukoy na dahilan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua na kung itataas ang minimum fare sa jeep ay nangangahulugan ito ng pagtaas din ng inflation rate ng bansa sa 5.1 percent.
“Kaya nga ang posisyon ng Department of Transportation ngayon ay hindi magtaas ng fare. Kasi ‘yung impact ng fare hike ay ipinakita ni Secretary Karl, tatamaan ‘yung tinatawag natin na inflation rate,” ayon kay Tugade.
“Ang position namin, wag kayong magtaas ng fare, ng mga pamasahe, tanggapin ang ayuda, gamitin ‘yung subsidiya,” diin ng kalihim.
Nauna nang naghain ng petisyon para sa fare increase ang iba’t-ibang grupo ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators dahil sa epekto ng oil price hike sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa halip na humirit ng dagdag-pasahe, sinabi ni Tugade na tanggapin na lang ng mga tsuper at operator ang ibinibigay na subsidiya ng gobyerno.
“Aaminin ko po na ‘yung ayudang binibigay natin ngayon ay hindi eksaktamento todo todo. Kulang pa rin ho ‘yan, kailangang repasuhin kaya nga tayo may second tranche sa April. Ganon din ho ‘yung sistema ng distribution sa second tranche,” pahayag pa ni Tugade.
Tig-P13,000 ang ipinangako ng gobyerno na fuel subsidy sa mahigit 377,000 na kuwalipikadong PUV drivers at operators. Mula ito sa P5 bilyong alokasyon para sa Fuel Subsidy Program ng DOTr.

