Dorobong Haciendero

Share this information:

HABANG abala ang marami sa paghahanda para sa nalalapit na halalan, sinasamantala naman ng isang sindikato ang pagbabakod ng mga lupain sa bulubunduking bahagi ng baybaying bayan ng Binangonan sa lalawigan ng Rizal.

Katwiran ng sindikatong pinamumunuan umano ng mag-asawang nakabase sa Cardona, Rizal, sa kanila ang buong Binangonan – at maging ang malaking bahagi ng mga karatig-bayan. Pati ang lupang kinatitirikan ng bahay pamahalaan, sa kanila daw yan!

Batay sa pagsasaliksik, kilalang nakaririwasa ang pamilyang Guido. Taong 1991 nang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa 7,000 ektaryang higit na kilala bilang Hacienda de Angono na bumabagtas sa mga bayan ng Cardona, Binangonan, Angono at Taytay. Ayon sa Korte Suprema sa mga Guido ang Hacienda de Angono.

Bagaman kinatigan ang kanilang karapatan sa 7,000-ektaryang lupain, hindi naman ito nangangahulugang sila na ang may-ari ng buong bayan ng Binangonan na may sukat na 7,270 ektarya, Angono na may sukat 2,300 ektarya, Taytay na 3,880 ektarya at Cardona na mayroon namang 3,115 ektarya.

Ang siste, marami sa kanilang lupa ay kanila nang naibenta sa mga pribadong kumpanya at maging sa mga dukhang minsang nangarap magkaroon ng sariling tahanan, bagay na kanilang itinanggi matapos nilang makuha ang kabayaran.

Hindi lamang isa ang dumaing sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at maging sa mga husgado kung saan hanggang ngayon’y nakabinbin ang mga asunto. Mayroon din namang mga kasong napagpasyahan na ng korteng pumanig sa mga muntik nang madorobo.

Ang masaklap, pati ang iba pang titulado, binabakuran na ng sindikato – bagay na idinulog sa pulisya na agad namang rumesponde bilang tugon sa kanilang mandato.

Ang problema, nabahag ang buntot ng mga pulis at iniwan ang mga kawani ng munisipyo matapos makita ang hindi bababa sa 40 armadong gwardiyang kinontrata ng sindikato.

Susmaryosep!

Nang makarating sa kinauukulan ang insidente, agad na naglabas ng direktiba ang punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) – sibak sa pwesto pati ang hepe.

Iyan ba ang kalidad ng mga pulis na karaniwang takbuhan ng mga na-agrabyado? Hindi ba’t bahagi ng kanilang mandato ang protektahan ang mga mamamayan at pairalin ang batas nang walang kinikilingan at pinangingilagan?

Hahayaan na lang ba ng PNP na maghari-harian ang hacienderong dorobo? Kung hindi kaya ng PNP, pwede naman sigurong pasukan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) para tuluyan nang tuldukan ang pang-aagrabyado sa hanay ng mga negosyante at mga pobreng mamamayang ang tanging kasalanan ay mangarap na bigyan ang pamilya ng sariling tahanan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.