DOLE, nag-isyu ng recall order sa field officer nito sa QC

ISANG recall order ang inisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang field officer nito sa Quezon City matapos lumabas ang isyu hinggil sa anomalya sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers  o TUPAD.

Ang opisyal na ni-recall ay si Atty. Joel Petaca ng DOLE-National Capital Region Office. 

Ang recall order laban kay Petaca ay upang bigyang-linaw ang nasabing isyu.

Ang TUPAD ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan para sa mga manggagawa na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Maalala na pinaimbestigahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang nasabing iregularidad sa pagpapatupad ng programang cash for work sa ilang distrito ng Quezon City.

Gusto kong alamin kung bakit pinayagan niyang mangyari ang ganitong problema sa implementasyon ng TUPAD sa Quezon City. Dapat ay binabantayan niya ang programa ng ating kagawaran. Naging pabaya ba siya?” paliwanag ni Bello.

Sa naunang ulat, hindi natatanggap ng buo ng mga residente ng Quezon City ang kanilang benepisyo sa ilalim ng TUPAD program.

Ipinaabot din sa kaalaman ng mga awtoridad ang ulat na may “ghost beneficiaries” ang programa.

Ang imbestigasyon ng DOLE sa nasabing isyu ay halos tapos na at hinihintay na lamang na nila ang pormal na ulat mula sa imbestigasyon naman na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kapag naisumite na ang lahat ng report, pananagutin natin ang lahat ng indibidwal na nasa likod ng iregularidad na ito,” pahayag ni Bello.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.