SINABI ng Department of Justice (DOJ) na nakikipag-ugnayan na ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) para malaman ang proseso sa pagpapauwi sa Pilipinas sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jane Veloso na nasa death row sa bansang Indonesia.
Ito ay matapos maibaba ang kanyang hatol sa life sentence sa pamamagitan ng ilang beses na apela ng pamahalaan ng Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin remulla na nakahanda na ang DOJ sa pagbabalik- bansa ni Veloso.
Sinabi nito na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na sumundo kay Veloso sa paliparan kung saan isasailalim muna ito sa medical check-up bago ito ideretso sa Women’s Correctional sa Mandaluyong City.
Sinabi pa ng kalihim na sa ngayon, walang hinihinging kapalit ang pamahalaan ng Indonesia sa pagpapa-uwi kay Veloso at ang DFA na ang bahalang makipag-usap sa mga counterpart nito naturang bansa.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat ang DOJ sa walang patid na apela ng administrasyong Marcos para mailigtas ang kababayan na si Veloso na nasa death row dahil sa kasong drug trafficking.
Naaresto si Veloso humigit-kumulang 14 na taon na ang nakalilipas at unang hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 2015.
Matapos ang serye ng mga diplomatikong diyalogo at pakikipag-ugnayan ng ating mga kinatawan sa mga counterpart nito sa Indonesia, nagawa ng gobyerno ng Pilipinas na ipagpaliban ang pagpataw ng hatol na kamatayan upang makamit ang mas mababa at may habag na desisyon na pabor sa ating kababayan.
Naninindigan ang DOJ na kaisa si Pangulong Marcos sa muling pagpapakita sa mundo na walang maiiwan sa ilalim ng administrasyong Bagong Pilipinas, kung saan ang bawat buhay ay pinangangalagaan at iginagalang anuman ang katayuan.

