SINABI ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Remulla na inirekomenda niya kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maalis sa pwesto si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco.
Sa isang panayam, hindi umano siya “satisfied” at marami silang naging problema, ayon kay Remulla.
Idinagdag pa nito na nagkausap na sila ni Pangulong Marcos, Jr. at nagkasundo na sila, at sinabing dapat magresign na lamang si Tansingco.
“Oh yes, Ok na yun nagkasundo na kami ng Pangulo–papalitan siya, papalitan siya. If I were him, I’d resign already, magresign na lang siya,” tugon ni Remulla sa panayam.
Binigyang-diin ni Remulla na maraming mga lapses na nagawa ang immigration sa kaso ng pagtakas ni Guo mula sa bansa kung saan nagtago ito at kinalaunan ay naaresto sa Indonesia.
“Marami ‘yan. Issuances of working visas was very questionable. I called (his) attention to it, wala siyang ginawa,” ayon pa sa Justice chief.
Pinuna rin ni Remulla ang pagseselfie ng mga ahente ng immigration noong inaresto si Guo na ayon sa kanya ay hindi na dapat dahil isa itong wanted na personalidad.
Samantala, nauna nang sinabi ni Tansingco na hindi dumaan sa Philippine immigration si Guo dahil walang immigration stamp ang kanyang pasaporte.
Sinagot din nito ang mga puna sa pagpapakuha ng litrato ng kanyang mga ahente noong inaresto si Guo. Nasiyahan lamang daw ang mga ahente dahil matagumpay na nakumpleto ang operasyon.

