DOH: Bagong surge ng COVID-19 cases sa ‘Pinas, lampas na sa peak noong 2020

Share this information:

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang bagong surge ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ngayong Marso ay lampas na sa naitalang “peak” ng mga kaso noong Hulyo at Agosto 2020.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman, hanggang ngayon ay mabilis pa rin ang pagtaas ng mga kaso at ang peak aniya na naobserbahan sa bansa noong nakaraang linggo ay lampas na sa peak na naitala noong Agosto 2020.

Aniya pa, karamihan sa mga bagong kaso ng sakit ay mula sa Metro Manila at Calabarzon area.

Sinabi rin ni De Guzman na ang Metro Manila ay nasa “high risk” classification na ngayon dahil sa bilis ng pagdami ng mga kaso ng sakit at laki ng populasyong apektado ng COVID-19.

Tumaas aniya ang mga kaso sa rehiyon ng 137 percent mula Marso 7 hanggang Marso 20 lamang, kumpara sa mga naitala mula Pebrero 21 hanggang Marso 6.

Nabatid na kabilang sa mga itinuturing na critical risk areas sa Metro Manila ay ang Marikina, Mandaluyong, Caloocan, San Juan, Pasig, Muntinlupa, Pateros, Quezon City, at Parañaque, habang ang iba pang lungsod ay itinuturing namang high risk.

Samantala, sinabi pa ng DOH na ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Western Visayas, at Caraga ay nasa “moderate risk” naman sa COVID-19

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.