TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magiging operational na sa susunod na taon ang bagong likhang ahensya na Department of Migrant Workers (DMW).
Ang katiyakan ay ibinahagi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma sa isang press conference sa Quezon City kung saan inilabas ang joint circular ng DOLE at ng DMW.
Ang DMW ang ahensiyang inatasang itaguyod ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Ang joint circular ay nagbibigay ng maayos na paglipat ng hindi bababa sa anim na labor agencies mula sa DOLE patungo sa DMW, na epektibong nagtatakda ng landas para sa ebolusyon nito tungo sa pagiging isang ganap na departamento ng gobyerno.
Ang mga ahensyang tinutukoy ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Philippine Overseas Labor Offices (POLOs), International Labor Affairs Bureau (ILAB), National Reintegration Center for OFWs (NRCO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang National Maritime Polytechnic (NMP).
Sa ilalim ng Republic Act 11641 — ang batas na siyang lumikha sa DMW — isasagawa ang paglipat sa loob ng hindi hihigit sa dalawang taon.
Gayunpaman, nakita ni Laguesma na masyadong mahaba ang itinakda na panahon na sumasalungat sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maghatid ng mas mabilis na serbisyo sa mga migranteng manggagawang Pilipino.
“Masyadong matagal ang dalawang taon (Two years is too long). Why wait that long when we can complete the transition earlier for the benefit of our beloved OFWs,” paliwanag ni Laguesma.
Ibinasura din ng Labor chief ang mga haka-haka ng “railroading” sa paglipat ng DOLE-attached agencies sa DMW.
“There’s nothing illegal in the transition. We are just ramping up efforts to make DMW operational as early as possible,” sabi ni Laguesma
Sinabi nito na ang joint circular na ipinalabas kahapon — ang unang ginawa ng DOLE at DMW — ay isa lamang sa mga hakbang na ginawa ng dalawang ahensya para isulong ang kumpletong pagtatatag ng DMW.
Ayon sa DOLE, bagama’t totoo na ang transisyon ay magpapagaan sa mga gawain ng DOLE na may kinalaman sa mga OFW, makakatulong ito sa departamento na tumuon sa trabaho nito upang pangasiwaan ang lokal na trabaho.
“By focusing on our mandate, DOLE will be rendering faster and quality service to our workers in the country,” sabi ni Laguesma.
“In the same manner, DMW will be working exclusively for our OFWs, meaning their time and effort would center on the Filipino migrant workers which is an efficient way of serving our modern-day heroes,” dagdag pa nito.
Nangako si Laguesma ng todo ang suporta kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, na sinasabing silang dalawa ay “may mahabang propesyonal at personal na relasyon na magkasama.”
“She has my full backing as she nurtures the development of DMW,” ayon kay Laguesma.
Nilagdaan ni Laguesma at Ople, ang joint circular na siyang nagpapakita ng pangako ng gobyerno na isulong ang synergy sa mga ahensya ng estado na may layuning magbigay ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga manggagawang Pilipino.