Mga matatanggal sa listahan ng 4P, posibleng umabot sa 2 milyon — DSWD

SINABI ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na posibleng umabot sa hanggang dalawang milyon na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, o mas kilala bilang “4Ps,” ang maaaring maalis sa listahan.

Paliwanag ng DSWD chief, umaabot na sa 1.3 milyon sa mga benepisyaryo ang tinatawag na “non-poor” o hindi na mahirap. Ang ibig sabihin nito ay hindi na sila kuwalipikado na makatanggap ng cash assistance mula sa pamahalaan.

Dagdag pa ni Tulfo, nasa 600,000 naman ang kanilang sinisilip kung kuwalipikado pa rin o maaaring ilagay na rin bilang “non-poor.”

Nanawagan naman si Tulfo sa mga benepisyaryo na lumipat na o lilipat ng tinitirahan na ipaalam sa kanila sa DSWD ang kanilang paglipat upang ma-update ang impormasyon nila sa listahan.

Iginiit ng kalihim na sa oras na kapag ang mga benepisyaryo ay hindi nagpadala ng abiso sa DSWD, awtomatikong tatanggalin sila sa listahan.

Una nang inatasan si Tulfo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na linisin ang listahan ng 4Ps dahil napapaulat na mayroong mga benepisyaryo ang hindi naman mahirap at ginagamit sa sugal ang salaping nakukuha bilang benepisyo sa ilalim ng programa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.