INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) na may natagpuan itong lumulutang na debris na maaaring galing sa isang nawawalang medical evacuation helicopter sa Palawan.
Sinabi ng PCG na ang debris ay nakita ng BRP Malabrigo sa katubigan ng Lumbucan Island sa Barangay Mangsee sa Balabac, Palawan.
Ang naturang debris ay kahalintulad ng gas tank na iniulat na may markings na “R404A” at “pentaflouroethane.”
Gayunman, biniberipika pa ng PCG kung ang debris ay talagang bahagi ng medical evacuation (medevac) chopper na iniulat na nawawala noong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center ng Civil Aeronautics Authority of the Philippines (CAAP), ang medevac flight ay galing sa Mangsee Island sa bahagi sa Balabac, Palawan at patungong Southern Palawan Provincial Hospital sa Brookes Point nang ito ay iniulat na nawawala.
Sakay nito ang piloto, nurse at pasyente at dalawa pang kasamahan.
Sa pahayag ng CAAP nitong Huwebes, sinabi nito na nag-isyu ang Flight Standards Inspectorate Service (FSIS), Flight Operations Department (FOD) at Air Traffic Service (ATS) ng permit na naka-pangalan kay Philippine Adventist Medical Aviation Services President Captain Dwayne Harris na nagpapahintulot ng humanitarian flight operations mula Pebrero 27 hanggang Agosto 27, 2023.
Ayon naman sa CAAP, patuloy ang pagsasagawa ng search and rescue operations upang mahanap ang nawawalang medical evacuation helicopter.

