Dating House Speaker Cayetano, umaasa sa pagbaha ng suporta sa P10K ayuda Bill

Share this information:

KUMPIYANSA si dating House Speaker Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano na babahain ng suporta mula sa taumbayan at maging ng kanyang mga kasamahan sa Kamara ang kanyang isinusulong na ‘Back To Service’ na P10K Ayuda Bill.

Kasunod ito ng paghayag ng suporta sa naturang panukala ni Paranaque 2nd District Rep. Eric Olivares.

Sa kanyang panayam sa radio, sinabi ni Olivares na full support’ sya sa P10K Ayuda  Bill ni Cayetano dahil kailangan ito ng sambayanang Pilipino.

“Kung kaya ng budget bakit hindi para sa mga nangangailanan, kung kaya ng appropriation na i-budget po ‘yon para sa nangangailangan full support tayo doon kung kaya ng budget’’, ani Olivares.

Kaugnay nito, lubos ang pagpapasalamat ni Cayetano kay Olivares at sa iba pang mga kongresista na anya ay payag at sumusuporta din sa P10K Ayuda Bill. May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng P10K ayuda ang mga Pilipino at ito’y mabuti sa ekonomiya at ito ay mabuti sa pamilya’’, giit ni Cayetano.

Nakiusap din si Cayetano sa mga kapwa kongresista na bilisan ang aksyon at suporta sa P10K Ayuda Bill upang maibigay agad ito sa mga nangangailangan lalo na ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at inilugmok ng pandemyang COVID-19.

Mahalaga anya na maikasa na ang P10K ayuda upang agad na maaksyunan ang pagbibigay ng iba pang stimulus package para sa ibang sector ng lipunan.

‘’Kaya pakiusap ko sa lahat ng kongresista na gawin nating mabilis at i- explain natin sa Malakanyang na may pera naman at agad agad na yung P10K ay maibigay at agada agad na isunod naman ang iba pang stimulus gaya ng health, agriculture, tourism, education, at kabuhayan,’’ pakiusap ng mambabatas.

Ang P10K Ayuda Bill ay inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado noong February 2021. Sa halip na ito ay talakayin ay isinama ito sa pagtalakay sa Bayanihan 3 ngunit di rin nabigyan ng halaga dahil mas isinulong pa ng kamara ang pagbibigay ng P1K sa bawat Pilipino.

Ito ay mariin namang tinutulan ni Cayetano dahil hindi anya limos ang kailangan ng mga tao sa kasalukuyan.’’Extraordinary times need extraordinary measures. Hindi po limos ang kailangan ng mga Pilipino sa ngayon’’, ayon pa sa dating speaker.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.