NATAGPUAN ng mga awtoridad ang dalawang naaagnas ng bangkay ng mga lalaki na nasa loob pa ng sako sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao Del Sur.
Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga biktima na sina Eugene Michael Tenazas Jr., residente ng Barangay Matina, at Rodford Uy, 45 anyos, ng Barangay Ulas na pawang sa Davao City.
Ayon kay Police Major Jun Olis, municipal police station chief, nakilala ang mga biktima dahil sa nakuhang mga ID sa kanilang mga bulsa.
Lumalabas sa imbestigasyon na unang nadiskubre ang insidente pasado alas 6 ng umaga kahapon, Miyerkules, Oktubre 4, 2023.
Inakala lamang ng mga mangangalakal na ang dalawang sako na nasa tabi lang ng kalsada sa National Road ng Barangay Mapayag ay mga basura na itinapon.
Subalit nang kanilang suriin ay pawang naaagnas ng bangkay ng dalawang lalaki ang nakapaloob sa mga sako.
Sinabi ni Olis na posibleng ibinaon at muling hinukay ang mga bangkay at inabandona na lamang sa tabi ng highway ng hindi pa natutukoy na mga suspek.
Patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa kaso.

