Dalawang lalaki, malubha dahil sa pananaksak sa Malabon

KAPWA nasa malubhang kalagayan ang dalawang lalaki matapos ang insidente ng pananaksak sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief Col. Albert Barot, habang natutulog sa No. 736 Rizal Avenue, Brgy. Tañong si Wilfredo Tumampil, 33 anyos, ng C4 Road dakong alas-11 ng umaga nang dumating ang suspek na si John Paul Santos at hinataw ng martilyo saka sinaksak ng kitchen knife sa dibdib ang biktima.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon, at isinugod naman ang biktima sa Tondo General Hospital kung saan ito patuloy na ginagamot.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na martilyo at kitchen knife ng suspek.

Nauna rito, dakong 1:20 ng madaling araw, naglalakad si Wilfredo Berediano Jr. alyas “Bornok,” 31 anyos at isang padyak driver ng Brgy. Tonsuya, kasama ang kanyang girlfriend sa kahabaan ng Villanueva St., nang lapitan ito ni Harvey Dave De Leon, 20 anyos, at pagsasaksakin sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Sa kabila ng tinamong mga saksak, nagawang makatakbo ni Berediano hanggang sa makahingi ng tulong sa rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station 5 (SS5) na siya namang nagsugod sa kanya sa Tondo Medical Center habang tumakas naman si De Leon matapos ang insidente.

Ipinag-utos na ni Col. Barot ang pagtugis sa mga suspek upang maaresto habang inaalam pa ang motibo sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.