PANSAMANTALANG isinara ng Antipolo City government ang isa sa apat nilang mga pampublikong ospital makaraang magpositibo ang 20 healthcare workers na nakatalaga sa nasabing pasilidad.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Dr. Jun Ynares, tagapagsalita ng Antipolo City government, na kinailangan nilang tiyakin munang ligtas ang nasabing pasilidad bunsod ng pagkakahawa sa COVID-19 ng kanilang mga kawani sa isang pasyenteng hindi aniya nagdeklara ng tamang datos hinggil sa kanyang kalusugan.
Bunsod ng isang linggong pagsasara ng COVID-ER at non-COVID-ER ng Rizal Provincial Hospital System (RPHS) – Antipolo City Annex-II sa Barangay Dalig, hinimok ni Ynares ang mga residente ng kanilang lungsod na tumungo na lamang sa tatlong iba pang pagamutan na matatagpuan sa RPHS Cabading Annex sa kahabaan ng Marcos Highway, sa RPHS Padilla Annex sa kahabaan ng NHA Avenue sa Barangay dela Paz, at RPHS Mambugan Annex sa kahabaan ng Sumulong Highway.
“Pansamantala munang isasara sa loob ng isang linggo ang COVID-ER at Non-COVID-ER ng RPHS Antipolo Annex II sa may Brgy. Dalig matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawampung (20) medical frontliners dahil sa pasyenteng hindi nag deklara ng tamang impormasyon ng kanyang kalusugan,” saad ng nasabing FB post.
Nagsagawa na din aniya ng disinfection activity gayundin ang contact tracing at testing sa mga close contacts ng mga nagpositibo sa COVID-19.
(Photo credit: Antipolo City Facebook page)

