DALAWA katao ang nadakip sa isang police operation kahapon ng hapon sa Brgy. Palihan, Hermosa, Bataan.
Ayon sa ulat ni Police Major Ernesto Esguerra, chief of police ng Hermosa Municipal Police Station, nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na pwersa ng Hermosa Municipal Police Station-Special Drug Enforcement Unit (MPS-SDEU) at Bataan Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU) sa pamumuno ni Major Phoe Pangan, ay matagumpay na naaresto sina Mangunday Ayunan Ali at Ana Grace Juaton y Quijano sa nabanggit na lugar ganap na alas-5:30 media ng hapon.
Ang operasyong anti-Illegal drug (buy-bust) na isinagawa ng mga nasabing yunit ay nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek at pag-kumpiska ng 25 gramo ng suspected shabu na may Standard Drug Price na P170,000.

Kasama rin sa nakumpiska ang isang .38 caliber revolver na hindi pa matukoy ang brand at gawa, at may kasamang dalawang live ammunition at isang fired cartridge.
Ang mga suspek ay dinala sa Hermosa MPS kasama ang nakumpiskahang ebidensya para sa tamang disposisyon.
Ayon sa ulat, sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Frustrated Homicide, Direct Assault Upon Agent of Person in Authority, at Illegal Discharge of Firearm.
Sa isang pahayag, tinangka umanong tumakas ng isa sa mga suspek at nagpaputok ng kanyang baril upang pigilan ang pag-aresto ng mga pulis.
Ayon pa kay Major Esguerra, ang nasabing operasyon ay patuloy na pai-igtingin ng lokal na kapulisan upang mapanatili ang katahimikan at kaligtasan ng mamamayan laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng krimen sa kanilang nasasakupang lugar.

