SWAJ sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng baril at shabu sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165 ang naarestong mga suspek na sina Ronel Oliva, 31 anyos, at Jomar Fausto, 42 anyos, kapwa ng Brgy. 35 ng naturang lungsod.
Sa nakarating na report kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-8 ng gabi ay nakatanggap si PSSgt. Marco Despojo ng District Intelligence Division (DID) ng report mula sa kanyang regular informant na si alyas “Ambo,” leader ng “Oliva Group,” ay nakitang may kausap na isang hindi kilalang lalaki sa Taguig St. Brgy. 35, Maypajo habang armado ng baril.
Agad bumuo ng team ang DID sa pangunguna ni PSSgt. Despojo saka pinuntahan ang nasabing lugar at nakita nga nila si alyas “Ambo” na nakaupo sa isang motorsiklong walang plaka habang may nakasukbit na baril.
Nang walang maipakitang kaukulang mga dokumento sa dalang baril ay inaresto si alyas “Ambo” ng mga pulis at narekober sa kanya ang isang Smith & Wesson magnum cal. 22 revolver na kargado ng 3 bala, dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu at kulay orange na Mio Sporty na motorsiklo na walang plaka.
Nagtangka namang tumakas si Fausto subalit agad itong napigilan ng mga pulis at nang kapkapan ay nakuha sa kanya ang tatlong transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu.

