Daily new COVID-19 cases sa NCR, umabot ng mahigit 2,800 nitong Sabado

NAGPAHAYAG ng pagsang-ayon ang OCTA Research Group sa desisyon ng pamahalaan na isailalim ang National Capital Region (NCR) sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20,

Sinabi nitong napapanahon ang desisyon matapos na makapagtala ang rehiyon ng mahigit sa 2,800 bagong kaso ng COVID-19 nitong Sabado lamang.

Kasabay nito, nagpahayag rin ng paniniwala ang grupo na ang mabilis na growth rate ng mga kaso ng sakit sa NCR ay nagpapakita lamang na ang surge ay posibleng dulot na nga ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

The decision by the national government to impose a strict lockdown in the NCR on August 6 is timely,” anang grupo ng mga eksperto sa kanilang monitoring report.

The rapid growth rate of cases in the NCR strongly suggests the possibility that the surge is driven by the Delta variant, and the steady increase in the reproduction number may be due to the replacement of the Delta variant over the previous dominant variants (i.e. Alpha and Beta),” anang grupo.

Anang grupo, kung naantala pa ang desisyon ng hanggang Agosto 15, posibleng umabot pa sa 4,500 ang mga kaso ng sakit na maitatala sa NCR sa loob lamang ng isang araw, na magdudulot anila nang pagtagal ng implementasyon ng lockdown, at negatibong epekto sa mga tao at sa ekonomiya.

Batay sa datos na inilabas ng grupo, nabatid na nitong Sabado ay nakapagtala ang NCR ng kabuuang 2,823 bagong kaso COVID-19.

Ayon sa OCTA, ito na ang pinakamataas na bilang na naitala nila sa rehiyon buhat noong Mayo 2, kung kailan ang NCR ay nakasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Idinagdag pa ng OCTA na ang reproduction rate sa Metro Manila ay tumaas rin sa 1.80 mula sa 1.56 noong nakaraang linggo at ang positivity rate ay umabot ng 14 percent mula sa dating 10 percent.

Sinabi ng grupo na ang “strong upward trend” at antas ng mga bagong COVID-19 cases sa NCR ay kahalintulad nang nakita mula Marso 9 hanggang 15, 2021, kung kailan ipinatupad rin ang ECQ sa rehiyon.

Anito pa, ang 31 percent ng mga sampled cases ay mayroong Delta variant, na pagtaas mula sa dating 16 percent lamang dalawang linggo na ang nakalilipas, base sa data mula sa bio-surveillance na isinasagawa ng Department of Health (DOH).

Sa kabila nito, sinabi ng OCTA na nananatili pa rin naman sa safe level ang intensive care unit (ICU) occupancy rate sa NCR hospitals na nasa 59 percent at hospital occupancy na nasa 53 percent naman, ngunit may pagtaas na 94 per day sa nakalipas na dalawang linggo.

Gayunman, nagbabala ang OCTA na maaaring kapwa tumaas ang antas ng mga ito sa hanggang 70 percent sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.

Nitong Sabado, una na ring sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na inaasahan na nilang kahit may lockdown ay patuloy pa ring darami ang maitatalang bagong kaso ng sakit sa NCR.

Aminado rin siya na posibleng ang nakikitang pagtaas ng mga kaso ng sakit ay dulot na nga ng mas nakahahawang Delta variant. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.