Kapwa bumagsak ang trust ratings nila Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa survey na inilathala ng think tank na Stratbase nitong Martes ng gabi, isinagawa ang pananaliksik mula Setyembre 24 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 adult na respondent sa buong bansa.
Ang survey ay isinagawa batay na rin sa kinakaharap na kaliwa’t kanang isyu ng korapsyon sa pamahalaan partikular sa multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects.
Nakakuha si Marcos ng 43 % trust rating, habang 36 % ang nagsabing mayroon silang “mababang tiwala” sa kanya at 21 % ang “hindi tiyak.” Bahagyang bumaba ito mula sa 48 % na trust rating noong Hunyo 2025.
Samantala, nakapagtala si Duterte ng 53 % trust rating, habang 28 % ang may “mababang tiwala” sa kanya at 18 % ang hindi sigurado.
Mula ito sa 61 % na trust rating noong Hunyo 2025.Ayon kay Dindo Manhit, pangulo ng Stratbase Group, ipinapakita ng pagbaba sa ratings nina Marcos at Duterte ang “pagbabago ng pananaw ng publiko.”
“Sinusuri muli ng mga Pilipino ang kanilang kumpiyansa sa mga pangunahing lider ng bansa. Parehong bumaba ang tiwala sa kanila, ngunit mas malaki ang ibinaba sa panig ng bise presidente,” pahayag ni Manhit.
Para kay Manhit, ipinapakita ng mga numerong ito ang “pagmature” ng mga botante at paalala na mahalaga ang resulta ng pamamahala.
“Kapag nakikita ng taumbayan ang matatag at transparent na aksyon sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang araw-araw na buhay, lumalago ang tiwala,” ani Manhit.
“Kapag hindi, unti itong nawawala—kahit gaano pa kasikat ang isang lider noon.”“Isa itong patunay na nagiging mas mahinahon at mas mapanuri na ang publiko—mas pinahahalagahan na ngayon ang performance kaysa personalidad,” pagtatapos ni Manhit.

