LUSOT na sa ikatlo at pinal na pag-apruba ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na layong itaas ang social pension ng mga senior citizen partikular na ang mga mahihirap na nakatatanda sa bansa.
Sa botong 225 na pabor at walang pagtutol, pinagtibay na ang House Bill 9459 na nag-aamyenda sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Sa ilalim ng panukala, dodoblehin ang kasalukuyang P500 na buwanang nakukuha ng mga senior citizen.
Sa sandaling maging ganap na batas, ang mga benepisyaryong nakatatanda ay pagkakalooban ng P1,000 na buwanang pinansyal na ayuda upang maipambili ng kanilang pangangailangan tulad ng mga pagkain, gamot at iba pang medical needs.
Bibigyan ng mandato ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ihanda ang listahan ng senior citizens na kuwalipikado sa buwanang social pension, batay na rin sa central database at listahan ng mga benepisyaryo mula sa lahat ng pension providers.
Ang implementasyon, distribusyon at management ng social pension ay isinusulong na pangasiwaan ng National Commission on Senior Citizens (NCSC).

