Pinasinayaan na rin ang bagong Adult at Pediatric Isolation Areas ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) sa lungsod ng Maynila.
Layon nito na magkaroon ng karagdagang espasyo ang mga ospital sa lungsod bunsod ng dumaraming bilang ng pasyente na tinatamaan ng COVID-19.
Layon din nito na mas palawakin at paunlarin ang mga medical facilities sa Maynila para sa kapakanan ng mga residente nito.
Pinangunahan ni Manila Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Manila 3rd District Congressman John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pagpapasinaya sa nasabing isolation area sa JJASGH.
Sinabi naman ni JJASGH Director Dr. Merle Sacdalan-Faustino, ang karagdagang isolation areas ay ginawa upang magkaroon ng sapat na espasyo at maiwasan na rin ang pagkalat ng virus sa iba pang pasyente.
Pinasalamatan naman ni Dr. Sacdalan-Faustino ang mga tumulong at malaki ang naiambag sa pagpapatayo ng mga nasabing isolation area, partikular na si Nelson Guevarra, ang CEO ng PG Flex Premium Group Maruyama Tarpaulin at Chairman for External Affairs ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., Brgy. Chairman Jefferson Lau, Brgy. Chairman Steven Yap, at Jaime Ching ng Philippine Tiok Lim Grand Masons.

