COVID-19 update: 5,404 na mga bagong kaso, naitala ngayong araw

Muling nakapagtala ng mataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) ngayong araw, March 15.

Batay sa Case Bulletin No. 366 ng DOH, pumalo sa 5,404 ang mga bagong kaso na naitala ngayong araw, dahilan para maging 626,893 na ang kabuuang kaso sa bansa o mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit na Coronavirus disease o COVID-19.

Umabot naman sa 560,577 ang kabuuan ng mga gumagaling sa sakit matapos na madagdagan pa ng 71 na bagong recoveries.

Ang mga namatay naman sa sakit ay nadagdagan din ng walo (8) na mababa kumpara sa mga naitatala sa nakalipas na mga araw kung saan ang kabuuang bilang na ng mga namamatay sa COVID-19 ay umabot na sa 12,837.

Kasalukuyan namang ginagamot pa sa mga ospital sa buong bansa at mga quarantine facilities ang 53,479 pang aktibong mga kaso kung saan 96.4 percent  ay mild at asymptomatic na mga kaso.

Muli ring nagpaalala ang DOH na sa pagkakaroon ng mga variants sa bansa at mutations, huwag pa ring magpakampante bagamat may bakuna na kontra COVID-19 dahil maaari pa ring mahawaan ng sakit at maisalin naman ito sa iba pang miyembro ng pamilya o komunidad.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit nakikita ang pagtaas ng kaso sa household o magpapamilya kaya naman paulit-ulit ding nagpapaalala ang DOH na laging sumunod sa minimum public health standards at safety health protocols upang maiwasan o mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.