INILABAS na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lugar at nakatakdang petsa ng satellite registration sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ng Comelec sa kanilang Facebook post nitong Martes na magsasagawa ito ng satellite registration na gaganapin ang karamihan sa mga mall sa mga lungsod ng Quezon, Caloocan, Malabon, Manila, Pasay at Pasig.
Lahat ng venue ay tatanggap lamang ng aplikante sa panahon ng office hours o mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Para sa Quezon City,ang mga registrants mula sa lahat ng barangays sa fourth district ay maaring magtungo sa M. Place Mall, South Triangle, mula Hulyo 11 hanggang 14.
Ang mga registrants mula sa lahat ng barangays sa una at pangalawang distrito sa Pasay City ay kailangang magtungo sa Galleon Level 1, Entertainment Mall, SM Mall of Asia, mula Hulyo 11 hanggang 23.
Ang mga mag-a-apply naman bilang botante mula sa lahat ng barangay sa ikatlong distrito ng lungsod ng Maynila ay maaaring magtungo sa SM San Lazaro mula Hulyo 11 hanggang 16.
Mula Hulyo 12 hanggang 23 naman ay maaaring pumunta sa SM Grand Central ang mga magpapalista bilang mga botante mula sa lahat ng barangay sa ikalawang distrito ng Caloocan.
Ang mga kuwalipikadong botante mula sa Barangay Potrero, Malabon City ay kailangang pumunta sa kanilang barangay hall mula Hulyo 14 hanggang 16 para magparehistro.
Magiging venue naman ang Robinsons Magnolia sa Quezon City para sa mga gustong magparehistro bilang mga botante mula sa lahat ng barangay sa ikaapat na distrito ng Quezon City mula Hulyo 15 hanggang 16 at sa Hulyo 18.
Lahat naman ng registrants mula sa lahat ng barangay sa unang distrito ng Pasig at ikatlong distrito sa Maynila ay dapat namang magtungo sa Robinsons Galleria at SM San Lazaro mula Hulyo 18 hanggang 23.
Sa mga gustong magparehistro mula sa lahat ng barangay sa ikatlong distrito ng Quezon City ay maaaring bumisita sa SM Fairview mula Hulyo 18 hanggang 23.
Ang SM Sta. Mesa naman ang venue ng mga magpaparehistro mula sa lahat ng barangay sa ikaapat na distrito ng Quezon City simula Hulyo 19 hanggang 23.
Ang nationwide voter registration ay ipinagpatuloy noong Hulyo 4 at tatagal hanggang Hulyo 23.
Isinasagawa ang registration activity kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang ganapin sa Disyembre 5, 2022.