ISANG “city public health emergency” ang nakatakdang ideklara ni bagong upo na alkalde ng lungsod ng Maynila, Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sa gitna ng isyu ng mga hindi pa nahahakot na tambak at namamahong basura sa lungsod.
Ito ang inanunsyo ni Domagoso sa kanyang unang press conference sa kanyang pagbabalik bilang alkalde ng lungsod.
Giit ni Domagoso, malaki ang epekto ng basura sa kalusugan ng mga Manilenyo kaya naman magdedeklara ito ng city public health emergency.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Domagoso na natanggap na umaga ng Lunes ang liham mula sa service provider na Metro Waste at PHILECO na kanila nang pinuputol ang kanilang kontrata na napagkasunduan ng dating admisnistrasyong Lacuna.
Kaya naman isa aniyang malaking problema ngayon ang kakaharapin ng lungsod dahil sa naiwang tambak na basura kaya nakiusap na rin ito sa dating service provider na Leonel na siyang magbibigay serbisyo ng libre para mahakot lahat ang natitira pang nagkalat na basura sa kalsada.
Inihayag ni Domagoso na umabot na sa P950 milyon ang bayarin sa basura sa tatlong contractor.
“Talagang sasabog ang Maynila — sa baho, sa eyesore, at higit sa lahat ang panganib na dulot sa kalusugan,” pahayag ng alkalde.
Kaya naman aniya sa unang session ng Konseho sa July 1 ay hihilingin ng alkalde na ideklara ang state of health emergency sa buong Maynila,
Target ng bagong pamunuan na agarang makolekta ang mga basura sa Maynila sa tulong na rin ng Leonel Waste Management at ng Metropolitan Manila Development Authority.
Pagkatapos ng press conference ni Domagoso ay agad din itong umikot sa buong lungsod upang makita ang sitwasyon sa kalsada kung saan nagkalat ang mga basura.

