ARESTADO ang isang Chinese national habang nasagip naman ng mga awtoridad ang tatlo pang kababayan nito na kanilang kinidnap at iligal na ikinulong habang nakatali sa loob ng isang bahay sa Makati City.
Bukod sa naarestong suspek na si Jun Chen, 28, tinutugis din ang mga kasabwat nito na sina Wen Zhongyang, 22 anyos; at apat na hindi pa nakilalang kapwa Chinese national ng mga ito.
Kinilala naman ang mga nasagip na pawang mga Chinese national din na sina Zhen Xiao, 24 anyos, club cook sa Subic at nanunuluyan sa Unit 29 No. 30 Humility, Multi National Village, Moonwalk Parañaque City; Gao Feng, 29 anyos, lalaki, nakatira sa Seqouia Hotel, Pasay City at isang nakilalang Lin Lin, 37 anyos, babae, POGO employee at nakatira sa bahagi ng Pasig City.
Si Lin Lin ay sugatan nang masagip kaya kinailangang ma-confine sa Ospital ng Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District, nakatanggap ng tawag ang Dagonoy PCP sa 911 kaugnay sa isang indibidwal na naka-posas na humihingi ng tulong.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, namataan ang biktimang si Xiao na naglalakad sa kahabaan ng Opalo St., Sta. Ana, Maynila.
Agad dinala sa PS-6 ang biktima para sa documentation bago sinamahan sa General Assignent and Investigation section ng Manila Police District (GAI-MPD) para sa imbestigasyon.
Agad ding nagsagawa ng follow up operation at pinuntahan ang lugar kung saan ikinulong at iginapos ang mga biktima sa 9270 Dita Street, Makati City.
Sa ginawang inspeksyon at sa tulong ng Brgy San Antonio, isang concerned citizen ang lumapit sa mga operatiba kung saan mayroon umanong isang Chinese national na tumalon sa katabing bahay.
Dito na nakita ang suspek na si Chen na sugatan na positibo namang kinilala ni Xiao na isa sa kumidnap sa kanya sa Pasay.
Nang mabuksan naman ang bahay na pag-aari ni Emmanuel Sylvestre, tumambad sa mga operatiba ang isa pang lalaki at babaeng Chinese national sa ika-apat na palapag na nakatali o nakagapos sa kama kahapon .
Ang suspek na si Chen ay dinala rin sa nasabing pagamutan dahil sa tinamong sugat matapos itong tumalon sa katabing bahay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang madakip ang iba pang sangkot sa kidnapping at serious illegal detention sa mga biktima.