PINASINAYAAN kamakailan ang Provincial Government of Bataan Child Development and EduChild Resource Center o PGBCDERC sa Bulwagan ng Bayan sa Capitol Compound, Balanga City, Bataan.
Ang center ay magsisilbing pasilidad upang matulungan ang mga empleyado ng Kapitolyo na may anak edad tatlo hanggang apat na taong gulang na maalagaan at maiwanan ng ligtas habang sila ay nagbibigay serbisyo sa pamahalaan.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office head Marilyn Tigas, ang PGBCDERC ay isang strategic initiative upang mabigyan ng panatag na loob ang isang empleyado na ang kanyang anak ay maayos na natitingnan ng isang accredited day-care worker.
Ito rin, ayon kay Tigas, ay isang paraan upang mabigyang gabay ang mga magulang lalo na ang mga solo parents sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Ang center ay pinasinayaan ni Bataan Gov. Albert Garcia.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Governor Garcia na ang proyektong ito ay akma sa layunin ng pamahalaang panlalawigan na makamit ang mabilis, mabisa at malawakang pag-unlad kung saan walang maiiwan hanggang sa laylayan.
Sa pamamagitan ng PGBCDERC ay mababawasan ang alalahanin ng bawat empleyado ng Kapitolyo at mas magiging produktibo sila sa pagbibigay serbisyo sa bawat Bataeño.
Dagdag pa nito na ang pasilidad ay makatutulong sa paghubog sa kaisipan ng bawat bata upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan sa kanilang paglaki.
(PHOTO CREDIT: 1Bataan.com)

