SINIBAK sa puwesto ang isang Chief of Police sa Quezon province dahil umano sa paglabag sa ipinatutupad na protocols at guidelines na itinatadhana ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa pandemya.
Batay sa nakuhang report kay Police Regional Police 4-A Director Police Brigadier General Felipe Natividad, mismong si Quezon Province Police Office (QPPO) Col. Audie Madrideo, ang umaksyon sa pag-alis sa posisyon ni Police Captain Joseph Ian Java, bilang hepe ng Dolores Municipal Police Station.
Ayon kay Madrideo, Si Java ay malinaw na lumabag sa IATF protocols matapos na lumahok ito sa isang party at hindi na naobserbahan ang social distancing.
Sa Special Order Number 434, si Police Lt. Almario dela Rosa ang humalili bilang OIC ng Dolores MPS.
Lubos ang paaalala ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na sundin ang itinakdang polisiya upang maiwasan ang pagdami ng COVID-19 sa bansa.