Naupo na bilang lehitimong Speaker ng House of Representatives si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ngayong araw ng Martes, Oktubre 13, 2020 ay mismong si Velasco ang nag-preside para sa muling pagbubukas ng sesyon sa Kamara kasunod na rin ng pagpapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng special session para aprubahan ang 2021 General Appropriations Bill o GAB.
Agad na nagmosyon si Pampanga Rep. Rimpy Bondoc para magsagawa muli ng nominal voting sa mga kaalyadong kongresista.
Ito ay para gawin nang opisyal ang isinagawang botohan kahapon ng mayorya sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Matapos ang botohan ay agad niratipikahan ang 186 affirmative votes upang pormal nang kilalanin na Speaker ng Kamara si Velasco.
Samantala, ang official mace na gamit din ngayon sa sesyon ay ang mace na ginamit din kahapon sa sports club.
Samantala, nag-concede na rin at nagbitiw bilang Speaker ng Kamara si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at isusumite ngayong hapon ang kanyang irrevocable resignation.
Nagbitiw umano si Cayetano habang isinasagawa sa plenaryo ang pagsasapormal ng botohan para kay Speaker-elect Lord Allan Velasco.
Sa Facebook live ni Cayetano, sinabi nito na “verbally” ay nagbibitiw na siya ngayong araw bilang Speaker ng Kamara.
Bago ang paghayag sa kanyang resignation ay humingi muna ito ng paumanhin kay Pangulong Rodrigo Duterte kung nagkamali siya ng interpretasyon na tapusin muna ang 2021 national budget.
Paliwanag ni Cayetano, hindi niya intensyon na suwayin ang utos ng Pangulo.
Humingi din ito ng patawad sa kanyang maybahay na si Taguig Rep. Laarni Cayetano gayundin sa kanyang mga staff.
Nagpasalamat din si Cayetano sa mga sumusuporta sa kanya sa Mababang Kapulungan.
Hinimok din nito ang bagong liderato ng Kamara na ipasa ang budget at ipinaabot na handa siyang makipagtulungan.